U.S. flag

An official website of the United States government

Skip Header


Inilabas ng Kawanihan ng Senso ang Bagong Data ng 2020 Senso tungkol sa Edad, Kasarian, Lahi, Hispanikong Pinagmulan, Mga Sambahayan, at Pabahay

Inilabas ng Kawanihan ng Senso ang Bagong Data ng 2020 Senso tungkol sa Edad, Kasarian, Lahi, Hispanikong Pinagmulan, Mga Sambahayan, at Pabahay

CB23-CN.09 Tagalog

Ang lahat ng link ay makikita lang sa Ingles.

MAYO 25, 2023 — Ngayong araw, inilabas ng Kawanihan ng Senso ng U.S. ang Demograpiko Profile ng 2020 Senso at ang File na Mga Katangian ayon sa Demograpiko at Pabahay (DHC, ayon sa acronym sa Ingles). Ibinibigay ng mga produktong ito ang susunod na hanay ng magagamit na data mula sa 2020 Senso, na nagdaragdag ng higit na detalye sa bilang ng populasyon at karaniwang estadistika ng demograpiko at pabahay na inilabas dati para sa layunin ng pagbabahagi sa kongreso at lehislatibong muling pag-distrito.

“Pagmamay-ari ng mga Amerikano ang mga estadistikang ito. Salamat sa iyong paglahok sa senso at sa paghikayat sa iyong mga kaibigan, kapitbahay at komunidad na sumagot. Ibinabalik namin sa iyo ngayon ang data na ito upang maunawaan mo at makinabang ang iyong komunidad,” sabi ng Direktor ng Kawanihan ng Senso na si Robert L. Santos. “Ang data ng 2020 Senso ay magsisilbing mahalagang baseline para sa mga darating na taon para sa ating mga taunang survey at pagtantiya ng populasyon, at sa pagpaplano ng komunidad at mga pasya sa pagpopondo na nangyayari sa buong bansa.”

Ang mga bagong inilabas na produkto ng data ng 2020 Senso ay higit pa sa data na nakikita na tungkol sa kabuuang populasyon, ang populasyon ng edad ng pagboto (edad na 18 at mas matanda), lahi, Hispanikong pinagmulan, at pagpatira sa pabahay. Naglalaman ang pagpapalabas na ito ng mas maraming detalyadong grupo ng edad, ang unang data na mayroon tungkol sa kasarian mula sa 2020 Senso, impormasyon tungkol sa mga pamilya at sambahayan (mga magkakasama sa tirahan), at higit pang detalye tungkol sa pabahay. Ipinapakita rin ng mga ito ang interseksyon ng marami sa paksang ito ayon sa lahi at Hispanikong pinagmulan.

Ang Demograpikong Profile ay nagbibigay ng pangkalahatang-ideya ng mga paksang tinalakay sa 2020 Senso sa isang madaling balikang talahanayan para sa mga heograpiya hanggang sa antas ng lugar. Ang DHC ay nagbibigay ng mga mas detalyadong talahanayan, marami hanggang sa antas ng block. Mayroon ding Demograpikong Profile at maraming talahanayan ng DHC para sa Mga ZIP Code Tabulation Area — isang pangkalahatang mga pagkatawan sa mga ruta ng serbisyo ng ZIP Code ng U.S. Postal Service.

Mga Highlight ng Data ayon sa Paksa

Edad at Kasarian

Ipinapakita ng 2020 Senso ang sumusunod tungkol sa komposisyon ng edad at kasarian ng bansa:

  • Sa pagitan ng 2010 at 2020, mas tumanda ang median na edad sa U.S. dahil nadagdagan ang mas matandang populasyon.
    • Noong 2020, mayroong 55.8 milyong tao na may edad na 65 at mas matanda sa Estados Unidos (16.8% ng kabuuang populasyon), tumaas nang 38.6% mula 40.3 milyon noong 2010. Pangunahing sinasalamin ng paglaking ito ang tumatandang cohort ng baby boom.
    • Nadagdagan nang 50% ang mg centenarian mula 2010, ang pinakamabilis na kamakailang pagbabago sa porsyento batay sa huli at kasalukuyang senso para sa grupo ng edad na iyon.
    • Para sa mga taong may edad na 70 at mas matanda, nakaranas ang populasyon ng lalaki ng mas malaking paglago sa pagitan ng 2010 at 2020 (42.2%) kaysa sa mga babae (29.5%).
  • Noong 1970, pagkatapos maipanganak ang lahat ng Baby Boomer (1946-1964), kalahati ng populasyon ay mas bata sa 28.1 taong gulang. Pagsapit ng 2020, ang median na edad ay 38.8, pagtaas na higit sa 10 taon sa loob ng nakalipas na limang dekada.
    • Noong 2020, ang populasyon ng edad na 45 at mas matanda ay bumubuo sa 42% ng kabuuang populasyon, tumaas mula sa 27% noong 1940, ang senso bago magsimula ang Baby Boom.
    • Ang bahagi ng populasyong may edad na 65 at mas matanda ay higit sa dumoble sa pagitan ng 1940 at 2020, mula sa wala pang 7% hanggang sa naging halos 17%.
  • Noong 2020, mayroong higit sa 73.1 milyong batang wala pang edad na 18 (22.1% ng kabuuang populasyon ng U.S.), mas mababa nang 1.4% mula sa 74.2 milyon noong 2010. Ang pinakamalaking pagbaba ay para sa grupo ng edad na wala pang 5, kung saan ang bahagi sa populasyon ay bumaba nang 8.9% o 1.8 milyon. Ang napag-alamang ito ay naaayon sa pagbaba sa kabuuang bilang ng mga panganganak at ng rate ng panganganak para sa Estados Unidos simula 2015.
  • Sa mga estado noong 2020:
    • Labing-apat na estado ang may median na edad na mahigit sa 40, doble sa dami noong 2010.
    • Dalawampu't limang estado ang may mas mataas na bahagi ng populasyong may edad na 65 at mas matanda kaysa sa Florida noong 2010 (17.3%), noong hawak nito ang pinakamalaking bahagi sa anumang estado. Noong 2020, ang Maine ang may pinakamataas na bahagi sa 21.8%, na sinundan ng Florida (21.2%) at Vermont (20.6%).
    • Ang Utah at Maine ay ang pinakabata at pinakamatandang estado (na kagaya noong 2010). Halos kalahati ng populasyon ng Utah ay wala pang edad na 31 habang mahigit sa kalahati ng populasyon ng Maine ay mas matanda sa edad na 45.
  • Noong 2020, patuloy na mga babae ang bumubuo sa bahagyang mas malaking bahagi (50.9%) ng kabuuan ng populasyon ng U.S. — 168.8 milyon kumpara sa halos 162.7 milyong lalaki (49.1%). Mas malaki ang bilang ng mga babae kaysa sa mga lalaki simula noong 1950 Senso. Bago iyon, mas malaki ang bilang ng mga lalaki kaysa sa mga babae mula sa pinakaunang panahong kolonyal ng bansa.
  • Ang Alaska ang may pinakamataas na ratio ng kasarian sa anumang estado noong 2020, kung saan may 108.4 lalaki kada 100 babae, na sinundan ng North Dakota kung saan may 104.5 lalaki kada 100 babae.
    • Ang limang estadong may pinakamababang ratio ng kasarian noong 2020 ay Delaware (kung saan may 92.9 lalaki kada 100 babae), Maryland (92.9), Mississippi (93.4), Alabama (93.4), at South Carolina (93.5).
    • Noong 2020, walang estado sa Timog o Hilagang silangan ang may ratio ng kasarian na mas mataas sa 100; mas maraming babae kaysa sa lalaki sa lahat ng estadong ito.
  • Noong 2020, ang kabuuang ratio ng dependency sa Estados Unidos ay 63.6 batang wala pang edad na 18 at mga adult na edad na 65 at mas matanda para sa kada 100 taong may edad na nagtatrabaho na may edad na 18 hanggang 64. Nagbibigay ang kabuuang ratio ng dependency ng pagtatantiya ng dependency ayon sa ekonomiya sa isang populasyon sa pamamagitan ng pag-divide sa mga populasyon ng edad na dependent (mga bata at adult na edad na 65 at mas matanda, na sa pangkalahatan ay hindi inaasahang magtrabaho) sa populasyon ng edad na nagtatrabaho (edad na 18 hanggang 64).
  • Sampu sa 12 estadong may pinakamataas na kabuuang ratio ng dependency noong 2020 ay nasa Kanluran at Gitnang Kanluran. South Dakota at Idaho ang may pinakamataas na kabuuang ratio ng dependency sa anumang estado sa buong bansa (73.0 at 72.4, ayon sa pagkakasunod-sunod).

Maaaring i-explore ng publiko ang mga estadistikang ito ng edad at kasarian sa dalawang pag-visualize ng data:

  • Exploring Age Groups in the 2020 Census. Ipinapakita ng interactive na mapang ito ang ilang partikular na sukat — porsyento ng populasyon, pagbabago ng porsyento mula 2010, index at prevalence ng porsyento ng babae at pagkakaiba-iba ayon sa lahi at etnisidad — para sa iba't ibang grupo ng edad para sa bansa, mga estado, county, at mga lugar ng senso. Ang pag-visualize ay nagbibigay rin ng mga listahan ng ranking ng mga sukat.
  • How Has Our Nation's Population Changed? Ipinapakita ng interactive na pag-visualize na ito ang mga pyramid ng populasyon at mga naka-rank na pansukat na edad at kasarian para sa kabuuang populasyon, gayundin ang mga grupo ng lahi at Hispanikong pinagmulan, para sa bansa, mga estado, metropolitan na lugar, micropolitan na lugar, at county noong 2020, 2010, at 2000.

Mayroon ding isang serye ng mga nada-download na talahanayan ng ranking na nauugnay sa bawat pag-visualize.

May higit pang impormasyon tungkol sa edad at kasarian sa mga kuwento ng America Counts: An Aging U.S. Population With Fewer Children in 2020 at 2020 Census: 1 in 6 People in the United States Were 65 and Over, at dalawang buod: Age and Sex Composition: 2020 at The Older Population: 2020.

Lahi at Hispanikong Pinagmulan ayon sa Edad at Kasarian

Nagbibigay ang DHC ng data ng edad at kasarian tungkol sa mga pangunahing grupo ng lahi at etniko na tinukoy ng Opisina ng Pamamahala at Badyet ng U.S. Ipinapakita ng data ang sumusunod tungkol sa komposisyon ng edad at kasarian ng mga grupo ng lahi at etniko:

  • Ang Multiracial na populasyon ay ang pinakabatang grupo ng lahi ng bansa noong 2020, kung saan 32.5% ng populasyon nito ay wala pang edad na 18. Sa pagitan ng 2010 at 2020, nadagdagan ang Multiracial na populasyon para sa bawat kategoryang malawakang edad (wala pang edad na 18, edad na 18 hanggang 44, edad na 45 hanggang 65, at edad na 65 at mas matanda) nang mahigit sa 164%.
  • Noong 2020, mahigit isang quarter ng populasyon ng Iba Pang Lahi lang (28.6%), ng Katutubong Hawayano at Ibang Taga-Islang Pasipiko lang (28.3%), at Amerikanong Indian at Katutubong Alaska lang (27.1%) ang wala pang edad na 18. Ang lahat ng kategoryang malawakang edad para sa mga populasyong ito ay nadagdagan mula 2010.
  • Ang populasyon ng Puti lang ay ang pinakamatanda sa lahat ng grupo ng lahi noong 2020, na may median na edad na 43.1, at bumaba ito sa pagitan ng 2010 at 2020 sa bawat kategorya ng edad maliban sa populasyon ng edad na 65 at mas matanda, na lumaki nang mahigit sa 25%.
  • Ang populasyon ng Asyano lang ay ang pangalawa sa pinakamatandang grupo ng lahi ng bansa noong 2020, na may median na edad na 37.0. Sa loob ng nakalipas na dekada, ang bawat kategorya ng edad ng populasyong ito ay nadagdagan nang 23% o higit pa.
  • Nadagdagan ang populasyon ng Itim o Aprikanong Amerikano lang para sa lahat ng kategoryang malawakang edad maliban sa wala pang edad na 18, na bumaba nang mahigit sa 6% mula 2010 hanggang 2020.
  • Sa loob ng nakalipas na dekada, may paglago sa lahat ng lahi sa mga grupo ng kumbinasyon sa bawat kategorya ng edad kung saan ang populasyon ng may kasamang Iba Pang Lahi ang pinakamabilis lumaki — na mahigit 482% para sa bawat kategorya ng edad.
  • Ang populasyon ng Hispaniko o Latino, na kinabibilangan ng mga tao ng anumang lahi, ay mas bata noong 2020 kaysa sa populasyon ng hindi Hispaniko. Ang median na edad nito ay 30.0, kumpara sa 41.1 para sa populasyon ng hindi Hispaniko.

Dapat gawin nang may pag-iingat ang mga paghahambing ng data ng lahi ng 2020 Senso at 2010 Senso at dapat isaalang-alang ang mga pagpapahusay na ginawa ng Kawanihan ng Senso sa mga tanong tungkol sa Hispanikong pinagmulan at lahi at sa paraan ng pag-code nito sa iniuulat ng mga tao sa kanilang mga sagot.

Kaugnay nito, ang data mula sa 2020 Senso ay nagpapakita ng magkakaiba ngunit makatuwiran at inaasahang distribusyon mula sa 2010 Senso para sa populasyon ng Puti lang, populasyon ng Iba Pang Lahi lang o may kumbinasyon, at Multiracial na populasyon, lalo na para sa mga taong tinutukoy ang sarili nila bilang parehong Puti at Iba Pang Lahi. Hindi nakakagulat ang mga resultang ito dahil nauugnay ang mga ito sa pananaliksik ng Kawanihan ng Senso nitong nakalipas na dekada, sa partikular sa mga resulta mula sa 2015 National Content Test, tungkol sa mga epekto ng format ng tanong tungkol sa pag-uulat ng lahi at etnisidad. Mas tumpak na ipinapakita ng mga pagpapahusay ang pagiging malalim at kumplikado ng kung paano tinutukoy ng mga tao ang kanilang lahi at etnisidad sa ika-21 siglo.

May higit pang impormasyon tungkol sa Hispanikong pinagmulan sa kuwento ng America Counts: Hispanic Population Is Younger But Aging Faster.

Sa Setyembre, sa pamamagitan ng produktong Detalyadong DHC-A, ilalabas ng Kawanihan ng Senso ang bilang ng populasyon ng 2020 Senso at estadistika ayon sa kasarian at edad para sa humigit-kumulang 370 detalyadong grupo ng lahi at etniko, gaya ng Aleman, Lebanese, Jamaican, Tsino, Katutubong Hawayano, at Mehikano, gayundin sa humigit-kumulang 1,200 detalyadong tribo at nayon ng Amerikanong Indian at Katutubong Alaska, gaya ng Navajo Nation.

Mga Pamilya at Sambahayan (mga magkakasama sa tirahan)

Ang 2020 Senso ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga sambahayan sa U.S., na tinutukoy bilang lahat ng taong naninirahan sa isang yunit ng pabahay, kasama ang mga taong mag-isang namumuhay o sa mga pamilya (dalawa o higit pang taong magkasama sa bahay na may kaugnayan batay sa panganganak, pagpapakasal, o pag-ampon).

  • Mahigit isang quarter (27.6%) ng mga okupadong sambahayan sa U.S. ay binubuo ng isang taong mag-isang namumuhay, tumaas mula sa 7.7% noong 1940.
  • 7.2% ng mga sambahayan ng pamilya ay multigenerational.
  • 6.1 milyon o 8.4% ng mga batang wala pang edad na 18 ang nakatira sa bahay ng kanilang mga lolo/lola, tumaas mula sa 5.8 milyon (7.9%) noong 2010.
  • Mahigit sa kalahati (53.2%) ng mga sambahayan sa U.S. ay mga sambahayan ng magkapareha, kung saan ang puno ng sambahayan ay may asawa o partner na nakatira sa kanya.
  • Binubuo ng mga magkaparehang parehong lalaki o parehong babae ang 1.7% ng mga sambahayan ng magkapareha.
  • Ang mayorya (89.1%) ng 323.2 milyong taong nakatira sa mga sambahayan sa U.S. ay ang puno ng sambahayan, ang kanilang asawa o partner o kanilang mga anak.
  • Binubuo ng mga sambahayan ng pamilya ang humigit-kumulang dalawang-katlo ng lahat ng sambahayan sa U.S., gaya ng nangyari noong 2010.
  • Ang mayorya (71%) ng mga sambahayan ng pamilya ay mga mag-asawang magkapareha.
  • Mayroong 126.8 milyong sambahayan, tumaas nang 8.7% mula 116.7 milyon noong 2010.

May higit pang impormasyon tungkol sa mga pamilya at sambahayan sa mga kuwento ng America Counts: Family Households Still the Majority at Share of U.S. Coupled Households Declined in 2020.

Pabahay

Ang 2020 Senso ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga okupado at bakanteng yunit ng pabahay. Para sa mga okupadong yunit, kasama rito ang impormasyon tungkol sa tenure — kung pagmamay-ari o inuupahan ng puno ng sambahayan ang bahay. Para sa mga bakanteng yunit, ang 2020 Senso ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga dahilan para sa pagkabakante — ang yunit man ay pinauupahan, ibinebenta, nililimitahan para sa pana-panahong paggamit, atbp.

  • Sa 126.8 milyong okupadong yunit ng pabahay noong 2020, 80.1 milyon (63.1%) ang okupado ng may-ari. Ang porsyentong ito ay tinatawag ding rate ng pagmamay-ari ng tahanan. Ang 2020 rate ay ang pinakamababa simula 1970. Bumaba ito nang 2.0 punto ng porsyento simula 2010, kung kailan 65.1% ito.
  • Noong 2020, 46.8 milyon (36.9%) ng mga okupadong yunit ng pabahay ay inookupa ng umuupa.
    • Nadagdagan ang mga yunit na okupado ng umuupa nang 14.8% mula 40.7 milyon noong 2010 at naging 46.8 milyon noong 2020.
    • Ang paglago ng mga yunit na okupado ng umuupa ay patuloy na mas mabilis kaysa sa paglago ng mga yunit na okupado ng may-ari, kagaya rin ng sitwasyon nito sa pagitan ng 2000 at 2010.
  • Limang estado lang ang nakaranas ng pagtaas sa kanilang rate ng pagmamay-ari ng tahanan sa pagitan ng 2010 at 2020. Hawaii ang may pinakamalaking pagtaas sa punto ng porsyento (1.2), na sinundan ng Alaska (0.8), Idaho (0.5), South Carolina (0.4), at Wyoming (0.1).
  • West Virginia at Maine ang may pinakamataas na rate ng pagmamay-ari ng tahanan noong 2020 na 72.6% at 71.1%, ayon sa pagkakasunod-sunod. Ang Distrito ng Columbia ay may mas mababang rate ng pagmamay-ari ng tahanan (38.3%) sa lahat ng 50 estado. (Talahanayan 1 ng Ranking ng Pabahay: Mga Pagkakaiba sa Ranking ng Rate ng Pagmamay-ari ng Tahanan sa Pagitan ng 2010 at 2020 para sa Mga Estado, Distrito ng Columbia, at Puerto Rico)
  • Sa nangungunang 10 metropolitan at micropolitan na lugar ng estadistika na may pinakamataas na rate ng pagmamay-ari ng tahanan, nasa Florida ang tatlo at nasa Michigan ang tatlo. Ang mga lugar sa Florida na may pinakamataas na rate ng pagmamay-ari ng tahanan ay The Villages (88.3%), Homosassa Springs (82.1%), at Punta Gorda (81.3%). Ang mga lugar ng Michigan na mataas ang pagmamay-ari ng tahanan ay Holland (82.5%), Iron Mountain (79.6%), at Traverse City (79.3%). (Talahanayan 2 ng Ranking ng Pabahay: Ranking ng Sampung Pinakamataas na Rate ng Pagmamay-ari ng Tahanan noong 2020 para sa Mga Metropolitan o Micropolitan na Lugar)
  • Ayon sa lahi, pinakamataas ang mga rate ng pagmamay-ari ng tahanan sa mga puno ng sambahayan na Puti (70.5%) na sinundan ng mga puno ng sambahayan na Asyano (58.5%) at puno ng sambahayan na Dalawa o Higit Pang Lahi (54.2%). Ang mga puno ng sambahayan na Katutubong Hawayano o Taga-Islang Pasipiko ang may pinakamababang rate ng pagmamay-ari ng tahanan (39.6%) noong 2020.
  • Sa buong bansa, ang rate ng pagkabakante ng may-ari ng tahanan — ang proporsyon ng imbentaryo ng pabahay para sa may-ari ng tahanan na bakante at ibinebenta — noong 2020 ay 1.5%, bumaba nang 0.9 punto ng porsyento mula 2010, kung kailan 2.4% ang rate. Maliban sa tatlo, ang lahat ng estado ay nakaranas ng pagbaba sa kanilang mga rate ng pagkabakante ng may-ari ng tahanan. Nevada (-3.7), Arizona (-2.2), Idaho (-1.9), Georgia (-1.8), at Florida (-1.8) ang may pinakamalaking pagbaba sa punto ng porsyento.
  • Noong 2020, ang pambansang rate ng pagkabakante ng pinauupahan ay 7.4%, bumaba mula 9.2% noong 2010. Sa mga metropolitan at micropolitan na lugar ng estadistika na may 10 pinakamalaking populasyon ng sambahayan, may pinakamataas na rate ng pagkabakante ng pinauupahan ang Houston-The Woodlands-Sugar Land, TX, sa 10.4%, at ito lang ang may rate na mas malaki sa 10.0% noong 2020. (Talahanayan 3 ng Ranking ng Pabahay: Ranking ng Mga Rate ng Pagkabakante ng Pinauupahan noong 2020 para sa Mga Metropolitan na Lugar na May Sampung Pinakamalaking Populasyon ng Sambahayan)
  • Mayroong 4.4 milyong bakanteng yunit sa U.S. noong 2020 na may klasipikasyong “bakante – para sa pana-panahon, panlibangan, o paminsan-minsang paggamit,” na bumaba mula 4.6 milyon noong 2010. Noong 2010, nangunguna pa rin ang Florida sa mga estadong may ganap na bilang ng mga ganitong yunit. Ang 667,000 bahay sa Florida ang bumubuo sa 15.3% ng mga yunit ng bansa na pana-panahon, panlibangan, o paminsan-minsang paggamit noong 2020. Ang Florida ay sinundan ng California (295,000), New York (248,000), Michigan (243,000), at Texas (192,000).

May higit pang impormasyon tungkol sa pabahay sa kuwento ng America Counts: See a Vacant Home? It May Not be For Sale or Rent.

Mga Grupong Tirahan

Ang 2020 Senso ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa populasyon sa mga grupong tirahan — mga lugar kung saan tumitira o nananatili ang mga tao sa isang paraan ng pamumuhay na kasama sa isang grupo na pag-aari o pinapamahalaan ng mga organisasyong nagbibigay ng pabahay o mga serbisyo para sa mga residente. Kasama rito ang mga lugar gaya ng mga hall na tirahan sa kolehiyo, group home, kwartel ng militar, pang-emergency at pansamantalang masisilungan, at bilangguan. Ang DHC ay nagbibigay ng data tungkol sa mga grupong tirahan ayon sa mga grupo ng edad, kasarian, lahi at Hispanikong pinagmulan, at mga uri ng mga grupong tirahan.

Kasama sa magagamit na data ng populasyon ng mga grupong tirahan sa DHC ang:

  • Mga talahanayan ayon sa kasarian at mga kategoryang malawakang edad (wala pang 18 taong gulang, 18 hanggang 64 na taong gulang, 65 taong gulang at mas matanda) hanggang sa block ng senso.
  • Mga talahanayan ayon sa lahi at Hispanikong pinagmulan hanggang sa lugar ng senso.
  • Mga talahanayan ayon sa kasarian at edad para sa ilang partikular na uri ng grupong tirahan hanggang sa lugar ng senso.
  • Mga talahanayan ayon sa kasarian at mga kategorya ng edad na limang taon para sa mga pangunahing uri ng grupong tirahan gaya ng pabahay sa estudyante sa kolehiyo/unibersidad at kwartel ng militar hanggang sa county.

Makikita ang data ng mga grupong tirahan sa data.census.gov.

Pag-explore sa Data

Ang Kawanihan ng Senso ay may iba't ibang kagamitan upang tulungan ang publiko na i-explore at gamitin ang mga data na ito.

Mga Pag-visualize ng Data

Magagamit ang isang subset ng Demograpikong Profile at data ng DHC para sa madaling pag-explore sa mga pag-visualize ng data, na sinusuportahan ng mga karagdagang resource.

Data.census.gov

Magagamit ang kumpletong Demograpikong Profile at DHC sa platform ng pagbahagi ng data ng Kawanihan ng Senso, data.census.gov.

Ang platform na ito ay nagbibigay-daan sa mga user ng data na maghanap ng mga heograpiya at i-access ang data sa pamamagitan ng mga talahanayan, mapa, at download:

  • Mga talahanayan ng data: Magagawa ng mga user na pumili ng mga heograpiya, magbuko-bukod ayon sa paksa, o magdagdag ng iba pang nalalapat na filter. Maaaring baguhin ang ayos, i-pin, o itago ang data gamit ang functionality na mag-drag at mag-drop.
  • Pagmamapa: Ang data ay maaaring ipakita ng mga user ng data sa mga koleksyon ng mga heograpiya sa isang thematic na mapa para sa mas visual na pagkatawan.
  • Mga pag-download ng data: Makakapag-download ang mga user ng maraming talahanayan para sa mga 2020 at 2010 senso nang sabay para sa mas madaling pagsangguni.

Ang mga nagtuturong video at patnubay sa paggawa ng pag-access sa data ng DHC, paghahanap ng mga lugar gamit ang isang mapa, pag-explore ng data para sa mga lugar sa urban at rural, pag-download at pag-export ng data, at paghahambing ng 2020 at 2010 data ay makikita sa webpage na 2020 Demographic and Housing Characteristics File (DHC).

Gabay sa Paggamit ng Data

Katulad sa lahat ng produkto ng data ng Kawanihan ng Senso, ang data na inilabas ngayon araw ay gumamit ng mga pamamaraan sa pag-iwas ng pagsisiwalat upang protektahan ang pagiging kompedensiyal ng tagasagot. Upang matiyak na walang sinuman ang makakapag-ugnay ng inilathalang data sa isang partikular na tao o sambahayan nang may anumang katiyakan, nagdagdag ng “panggulo sa estadistika”— mga maliit at random na pagdagdag o pagbawas —sa data. Nakipagtulungan nang husto ang Kawanihan ng Senso sa komunidad ng user ng data upang maipatupad ang mga proteksyong ito. Upang tumulong sa pag-unawa sa kung paano gumagana ang mga bagong proteksyon sa pag-iwas ng pagsisiwalat, bisitahin ang Disclosure Avoidance and the 2020 Census: The TopDown Algorithm at Why the Census Bureau Chose Differential Privacy.

Kapag gumagamit ng data ng DHC at Demograpikong Profile, hinihikayat ng Kawanihan ng Senso ang mga user ng data na pagsama-samahin ang maliliit na populasyon at heograpiya upang pahusayin ang katumpakan at mabawasan ang mga hindi totoong resulta. Makikita sa blog ang higit pang impormasyon kung paano naaapektuhan ng panggulo sa estadistika ang data: What to Expect: Disclosure Avoidance and the 2020 Census Demographic and Housing Characteristics File. Bukod pa rito, inilabas ng Kawanihan ng Senso ang mga sukatan ngayong araw upang tulungan ang mga user ng data na maunawaan ang pagkakaiba-ibang nauugnay sa pag-iwas ng pagsisiwalat sa DHC. Ang 2020 Senso ay ang pinakaunang nakapagsukat sa pagkakaiba-ibang ito dahil gumamit ito ng mas mahusay na paraan para sa pag-iwas ng pagsisiwalat.

Para sa impormasyon tungkol sa pagkolekta ng data ng 2020 Senso, pagprotekta sa pagiging kompedensiyal, nonsampling error, mga pagpapakahulugan sa paksa, at gabay sa paggamit ng data, bisitahin ang webpage na 2020 Census Demographic and Housing Characteristics File Summary File (DHC) Technical Documentation. Ang mga resulta mula sa Post-Enumeration Survey at Demographic Analysis ay nag-aalok rin ng karagdagang ideya tungkol sa kalidad ng 2020 Senso.

###

Contact


Stacy Gimbel Vidal
Opisina ng Pampublikong Impormasyon
301-763-3030 or
877-861-2010 (U.S. and Canada only)
pio@census.gov

 

 

Page Last Revised - December 10, 2024
Is this page helpful?
Thumbs Up Image Yes Thumbs Down Image No
NO THANKS
255 characters maximum 255 characters maximum reached
Thank you for your feedback.
Comments or suggestions?

Top

Back to Header